Sapat Na.


Walang ibang laman. 

Basta.. 

‘Sapat’ lang. 

Sapat nang malaman kong ika’y nakangiti na.

Sapat nang ramdam kong sa puso mo, ako pa rin ang may suot ng korona.

Sapat nang ‘pag kausap mo e sa aki’y mas maganda, alam kong mukha at kilos ko pa rin ang nakikita mo sa kanila.

Sapat nang alam kong tuwing gabi, pag ika’y matutulog na, ako ang laman ng iyong mga ‘sana.’

Sapat nang sa huli, magmahal ka man ng iba, alam kong ako pa rin ang ‘pinaka’.

Sapat nang dalawin ka ng aking mga ala-ala sa tuwing nag-aabang ang puso mo na magkaroon ng kapareha.

Sapat nang sa iyong mga panalangin, ako’y kasama.

Sapat nang hindi man kita maabot o mahagkan, alam kong ang puso’t isip mo’y ako pa rin ang laman.

Ikaw, sa isip at puso ko, hindi man mahagkan ng mga bisig ko, ay sapat na.

Isang Araw Sa Buhay Ng Isang Patay

Sa kabila ng lahat ng pwedeng maranasan ng isang tao sa kanyang makabuluhan at magulong buhay ay mayroon talagang iilang mga araw na gigising kang walang laman.

Walang laman.

Blangko.

Walang maiuukit na mga salita sa isip mo. Walang makikita ang mga mata mong lunod na lunod sa mga luhang hindi mo alam kung kalian nga ba mauubos. Walang mapipiga ang mga kamay mong gawin kundi punasan ang mga luhang iyon at biglang maipag-didikit ang iyong mga palad upang magdasal. Walang ititibok ang puso mo kundi kirot. Kirot na abot hanggang kalamnan. Kirot na aakyat muli sa lalamunan. Kirot na gusto mong iduwal.

Pero wala kang laman.

Ika’y upos na upos.

Ano ang iduduwal mo kung wala ka ngang laman?

Patay ka. Patay na patay. Mula ulo hanggang paa. Patay ka.

Blangko.

Lilipas ang isang araw.

Dalawa.

Tatlo.

Apat.

Pitumpu’t pito.

Pitumpu’t itong araw na ang lumipas.

Wala ka pa ring laman.

Blangko.

Walang maiuukit na mga salita sa isip mo. Walang makikita ang mga mata mong lunod na lunod sa mga luhang hindi mo alam kung kalian nga ba mauubos. Walang mapipiga ang mga kamay mong gawin kundi punasan ang mga luhang iyon at biglang maipag-didikit ang iyong mga palad upang magdasal. Walang ititibok ang puso mo kundi kirot. Kirot na abot hanggang kalamnan. Kirot na aakyat muli sa lalamunan. Kirot na gusto mong iduwal.

Walang laman.

Ika’y upos na upos.

Blangko.


Bukas, isang araw na namang muli ang haharapin ng isang patay.