To Manong Dolphy. :") (My first time to write in Filipino)

9:17 PM


Ang Masayang Pamamaalam sa Hari ng Komedya


                Kevin Cosme, John Puruntong, Facifica Falayfay, or Golay at Darna Kuno;  iilan lamang sa mga pinasikat na karakter na kanyang ginampanan, halos dalawang daang pelikula ang pumatok sa takilya, sampung kwelang palabas sa telebisyon at dalawampu’t isang pagkilala sa kanyang galing at kontribusyon sa mundo ng showbiz– lahat nang iyan sa loob ng animnapu’t anim (66) na taon sa industriya ng nag-iisang Hari ng Komedya, si DOLPHY.

                Matinding lungkot ang bumalot sa puso ng bawat Pilipino nang umugong ang balitang pumanaw na nga sa edad na 83 ang nag-iisang Hari ng Komedya na si Dolphy o Rodolfo Vera Quizon Sr. sa totoong buhay. Ngunit sa kabila nito, ay naging masaya pa rin ang pamamaalam sa naging hari ng telebisyon at pelikula pagdating sa komedya. Bawat Pilipino, bata man o matanda, may ngipin o wala, at kahit sa’n mang dako ng Pilipinas, ay nakatatak na sa puso’t isipan ng bawat Pilipinong manunuod ang mga ngiti at halakhak na naidulot ni Mang Dolphy sa pamamagitan ng kanyang mga palabas at pelikula.

                Taong 1946, siya nuo’y 19 na taong gulang pa lamang, nang unang mapanuod sa pinilakang tabing si Dolphy sa tulong ni Fernando Poe Sr., sa pelikulang Dugo at Bayan 1 (I Remember Bataan). Siya ay mas nakilala nang maging kontratadong artista ng Sampaguita Pictures at gawin ang una niyang pelikula dito, ang Sa Isang Sulyap Mo Tita. Ito ay naging malaking patok sa takilya, na nagbigay daan sa kanyang unang starring role sa Jack & Jill.
               
                Ngunit ang simula ng kanyang mas matagumpay na karera ay nang siya’y maging bida sa palabas na Buhay Artista, konsepto ni Eugenio “Geny” Lopez Jr. at Ading Fernando nuong taong 1960s, sa ABS-CBN. (Dito ay nakasama niya si Susan Roces at Panchito.) At sino nga ba ang hindi nakakakilala kay John Puruntong at ang Puruntong Family sa palabas na John en Marsha na umere sa taong 1970s hanggang sa 1990s. Sumunod pa dito ang John en Shirley na tampok din naman kasama ni Dolphy, ay si Maricel Soriano. At taong 1992, naging bukambibig rin ng mga Pinoy ang pangalang Kevin Cosme na sumikat sa kwelang kwelang Home Along Da Riles na muli ay patok na patok at tumagal hanggang sa taong 2003.

                Si Mang Dolphy, ay hindi lamang sa mundo ng katatawanan at komedya naghari. Bagkus, nahamon din ang kanyang kakayanan sa pag-arte sa ilang mga “gay roles” at seryosong pagganap sa mga pelikulang Facifica Falayfay (1969), Fefita Fofongay (Viuda de Falayfay) (1973), Sarhento Fofongay, Markova: Comfort Gay (2001) kung saan kanya ring nakasama ang kanyang mga anak na sina Eric at Epi Quizon.

                Bilang isang hari, ay nabigyan ang ating Tito Dolphy ng iba’t ibang pagkilala dahil sa kanyang mahuhusay na pag-ganap. At isa sa mga pinakamahahalagang pagkilala na kanyang natanggap ay ang Grand Collar of the Order of the Golden Heart na ipinagkaloob ni Pangulong Benigno Aquino III nuong Nobyembre 2010 – Ang pagkilalang ito ay ang pinakamataas na ibinibigay sa isang pribadong mamamayan mula sa Pangulo ng Pilipinas.

                Lubos siya kung magmahal sa kanyang kapwa at wagas siyang nakapagdudulot ng mga ngiti at halakhak – iilan sa mga dahilan kung bakit marami rin ang sa kanya’y nahumaling. At ilang mga babae rin ang nahulog at sa kanya’y napamahal na nagbunga ng kanyang labingwalong (18) mga anak. Ito ay sina Engracia Dominguez, Gloria Smith, Pamela Ponti, Evangeline Tugalao, Alma Moreno at  Zsa Zsa Padilla.

                Sa kanyang naging pagpanaw ay mas nangibabaw ang mga masasayang alaalang kanyang naiwan, at ito’y sa walang pagtataka dahil siya nga naman ang hari ng komedya. Maliban sa mga biro at mga kalokohan na kanyang naibahagi, mapagbigay at may taos pusong kabutihan na hindi matatawaran rin si Mang Dolphy. Lahat sa kanyang paningin ay pantay-pantay. Mapa-cameraman, manunulat, janitor o kapwa artista, ang trato niya sa mga ito ay iisa. At sa oras ng pangangailangan? Si Mang Dolphy, ay laging nariyan. Marami nga naman sa mundo ang may ginintuang puso, pero ang hari ng komedya ay higit pa doon. Ayon sa nakakarami, pag iyong nakilala si Dolphy, ay hindi mo aakalain na isa siyang sikat na artista dahil mas nangingibabaw ang kababaang loob nito.

                Patunay ito na ang hari ng komedya, hindi lamang isang imahen o icon na napapaluob lamang sa apat na sulok ng ating mga telebisyon, kundi natili ang kanyang  mga paa sa lupa, nag-abot ng kanyang matulungin na mga kamay sa mga nangangailangan at nagbahagi limpak na limpak na kaligayahan. Si Mang Dolphy, isang totoong  tao na mababa ang loob, nagmamahal at tunay na minamahal ng kanyang pamilya, mga kaibigan at maging ng buong sambayanan. Isa kang inspirasyon, na habang buhay na mag-iiwan ng ngiti sa aming mga puso sa tuwing aming maririnig ang iyong pangalan, Tito Dolphy.
                

You Might Also Like

0 comments