Ang Masayang Pamamaalam sa Hari ng Komedya
Kevin Cosme, John Puruntong, Facifica
Falayfay, or Golay at Darna Kuno; iilan
lamang sa mga pinasikat na karakter na kanyang ginampanan, halos dalawang daang
pelikula ang pumatok sa takilya, sampung kwelang palabas sa telebisyon at
dalawampu’t isang pagkilala sa kanyang galing at kontribusyon sa mundo ng
showbiz– lahat nang iyan sa loob ng animnapu’t anim (66) na taon sa industriya
ng nag-iisang Hari ng Komedya, si DOLPHY.
Matinding lungkot ang bumalot sa
puso ng bawat Pilipino nang umugong ang balitang pumanaw na nga sa edad na 83
ang nag-iisang Hari ng Komedya na si Dolphy o Rodolfo Vera Quizon Sr.
sa totoong buhay. Ngunit sa kabila nito, ay naging masaya pa rin ang pamamaalam
sa naging hari ng telebisyon at pelikula pagdating sa komedya. Bawat Pilipino,
bata man o matanda, may ngipin o wala, at kahit sa’n mang dako ng Pilipinas, ay
nakatatak na sa puso’t isipan ng bawat Pilipinong manunuod ang mga ngiti at
halakhak na naidulot ni Mang Dolphy sa pamamagitan ng kanyang mga palabas at
pelikula.
Taong 1946, siya nuo’y 19 na
taong gulang pa lamang, nang unang mapanuod sa pinilakang tabing si Dolphy sa
tulong ni Fernando Poe Sr., sa pelikulang Dugo at Bayan 1 (I Remember Bataan). Siya ay mas nakilala
nang maging kontratadong artista ng Sampaguita Pictures at gawin ang una niyang pelikula dito, ang Sa Isang Sulyap Mo Tita. Ito ay
naging malaking patok sa takilya, na nagbigay daan sa kanyang unang starring
role sa Jack & Jill.
Ngunit ang simula ng kanyang mas
matagumpay na karera ay nang siya’y maging bida sa palabas na Buhay Artista,
konsepto ni Eugenio “Geny” Lopez Jr. at Ading Fernando nuong taong 1960s, sa
ABS-CBN. (Dito ay nakasama niya si Susan Roces at Panchito.) At sino nga ba ang
hindi nakakakilala kay John Puruntong at ang Puruntong Family sa palabas na
John en Marsha na umere sa taong 1970s hanggang sa 1990s. Sumunod pa dito ang
John en Shirley na tampok din naman kasama ni Dolphy, ay si Maricel Soriano. At
taong 1992, naging bukambibig rin ng mga Pinoy ang pangalang Kevin Cosme na
sumikat sa kwelang kwelang Home Along Da Riles na muli ay patok na patok at
tumagal hanggang sa taong 2003.
Si Mang Dolphy, ay hindi lamang
sa mundo ng katatawanan at komedya naghari. Bagkus, nahamon din ang kanyang
kakayanan sa pag-arte sa ilang mga “gay roles” at seryosong pagganap sa mga
pelikulang Facifica Falayfay (1969), Fefita Fofongay (Viuda de
Falayfay) (1973), Sarhento Fofongay, Markova:
Comfort Gay (2001) kung saan kanya ring nakasama ang
kanyang mga anak na sina Eric at Epi Quizon.
Bilang isang hari, ay nabigyan
ang ating Tito Dolphy ng iba’t ibang pagkilala dahil sa kanyang mahuhusay na
pag-ganap. At isa sa mga pinakamahahalagang pagkilala na kanyang natanggap ay
ang Grand Collar of the Order of the Golden Heart na ipinagkaloob ni Pangulong
Benigno Aquino III nuong Nobyembre 2010 – Ang pagkilalang ito ay ang
pinakamataas na ibinibigay sa isang pribadong mamamayan mula sa Pangulo ng
Pilipinas.
Lubos siya kung magmahal sa
kanyang kapwa at wagas siyang nakapagdudulot ng mga ngiti at halakhak – iilan
sa mga dahilan kung bakit marami rin ang sa kanya’y nahumaling. At ilang mga
babae rin ang nahulog at sa kanya’y napamahal na nagbunga ng kanyang labingwalong
(18) mga anak. Ito ay sina Engracia
Dominguez, Gloria Smith, Pamela Ponti,
Evangeline Tugalao, Alma Moreno at Zsa Zsa Padilla.
Sa kanyang naging pagpanaw ay
mas nangibabaw ang mga masasayang alaalang kanyang naiwan, at ito’y sa walang
pagtataka dahil siya nga naman ang hari ng komedya. Maliban sa mga biro at mga
kalokohan na kanyang naibahagi, mapagbigay at may taos pusong kabutihan na
hindi matatawaran rin si Mang Dolphy. Lahat sa kanyang paningin ay
pantay-pantay. Mapa-cameraman, manunulat, janitor o kapwa artista, ang trato
niya sa mga ito ay iisa. At sa oras ng pangangailangan? Si Mang Dolphy, ay
laging nariyan. Marami nga naman sa mundo ang may ginintuang puso, pero ang
hari ng komedya ay higit pa doon. Ayon sa nakakarami, pag iyong nakilala si
Dolphy, ay hindi mo aakalain na isa siyang sikat na artista dahil mas
nangingibabaw ang kababaang loob nito.
Patunay ito na ang hari ng
komedya, hindi lamang isang imahen o icon na napapaluob lamang sa apat na sulok
ng ating mga telebisyon, kundi natili ang kanyang mga paa sa lupa, nag-abot ng kanyang
matulungin na mga kamay sa mga nangangailangan at nagbahagi limpak na limpak na
kaligayahan. Si Mang Dolphy, isang totoong tao na mababa ang loob, nagmamahal at tunay na
minamahal ng kanyang pamilya, mga kaibigan at maging ng buong sambayanan. Isa
kang inspirasyon, na habang buhay na mag-iiwan ng ngiti sa aming mga puso sa
tuwing aming maririnig ang iyong pangalan, Tito Dolphy.
- 9:17 PM
- 0 Comments